Natanggap na ngayon ng Senado ang General Appropriations Bill o panukalang 2021 National Budget na inaprubahan ng Kamara.
Kaugnay nito ay nagpaabot ng pasasalamat si Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara kay House Speaker Lord Allan Velasco sa pagtupad sa pangako na maisumite ito sa Senado bago ang October 28, 2020.
Ayon kay Angara, dahil dito ay may sapat pang panahon ang mga Senador na pag-aralan ang mga amyenda na ginawa ng Kamara sa proposed 2021 budget.
Pinasalamatan din ni Angara ang mga Senador na tumutulong sa pagbuo ng Committee Report kaugnay sa budget.
Target ni Angara na makapaglabas ng committee report bago ang November 10, 2020 para agad na nilang masimulan ang deliberasyon ng budget sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na buwan.
Tiwala si Angara na maipapasa nila ang 2021 national budget sa December para maiakyat agad kay Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang mapirmahan bago matapos ang taon.
Para kay Angara, ipinapakita nito na ikinokonsidera ng mga mambabatas ang kahalagahang maisabatas ang pambansang pondo sa takdang oras para matugunan ng bansa ang mga hamon na hatid ng COVID-19 pandemic.