Proposed 2021 national budget, tiwalang maipapasa sa itinakdang oras; Pero, anomalya ng ilang ahensya, posibleng hindi na mabusisi sa budget deliberation!

Tiwala si Cavite 4th District Rep. Elpidio Barzaga na maipapasa on-time sa Senado ang proposed 2021 national budget ngayong naayos na ang usapin sa house leadership.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Barzaga na inaasahang matatapos ng Kamara ang pagpasa sa House Bill 7727 o 2021 General Appropriation Bill sa itinakdang oras ni Pangulong Duterte na pagsasagawa ng special session hanggang sa Biyernes, Oct. 16, 2020.

Ayon kay Barzaga, ngayong ayaw ay isasalang sa budget deliberation ang mga ahensyang hindi nabusisi ang pondo, bago ang pagpasa sa second reading ng national budget.


Pero, aminado ang mambabatas na hindi na mabubusisi ang mga anomalya ng mga ahensya lalo na’t kailangan nilang maabot ang itinakdng deadline.

Sa kabila nito, maaari naman aniyang magsagawa ng hiwalay na pagdinig ang Kamara para rito pagkatapos ang budget deliberation.

Nabatid na nasa 20 ahensya pa ang hindi naisasalang sa budget deliberation na kinabibilangan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); Department of Agrarian Reform (DAR); Department of Transportation (DoTr); Department of Education (DepEd); Department of Information and Communications Technology (DICT); Department of Tourism (DoT); Department of Health; (DoH); Department of Public Works and Highways (DPWH); Presidential Communications Operations Office (PCOO); Department of Foreign Affairs (DFA); Department of Budget and Management (DBM); Department of Energy (DoE); Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Facebook Comments