Sumalang na ngayon sa plenaryo ng House of Representatives ang House Bill 4488 o ang 2023 General Appropriations Bill na nagkakahalaga ng ₱5.268 trillion.
Sa naturang halaga, ₱4.259 trillion ang nakalaan para sa operasyon ng national government kung saan ₱3.671 trillion ang programmed habang ang ₱588 billion naman ang unprogrammed.
Sa sponsorship speech ay hinikayat ni House Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co ang mga kasamahang mambabatas na ipasa sa takdang panahon ang panukalang pondo para sa susunod na taon.
Diin ni Co, instrumento ang 2023 budget para mapabuti ang buhay ng mamamayang Pilipino dahil ito ang popondo sa mga programa at proyekto ng Marcos administration para sa pagbangon at katatagan ng ekonomiya.
Ayon kay Co, naka-angkla rito ang 8-point Socio Economic Agenda ng gobyerno na kinapapalooban ng seguridad sa pagkain, abot-kaya at malinis na enerhiya, pangangalaga sa kalusugan, maayos na serbisyo sa publiko, edukasyon, bureaucratic efficiency at mahusay na pananalapi.
Sa talumpati naman ni Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson Stella Quimbo ay kanyang binigyang-diin na ang panukalang pambansang pondo ang unang hakbang para sa pagkamit ng inilatag na Medium Term Fiscal Framework ng Marcos administration na layuning lumikha ng mas maraming trabaho at tumugon sa kahirapan.