Nakatakdang isumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ang panukalang P5.2 trilyong national budget para sa 2023 sa Agosto 22, 2022.
Alinsunod sa Section 22, Article 7 ng Konstitusyon, dapat na magsumite ng panukalang national budget sa Kongreso sa loob ng 30 araw mula sa pagbubukas ng regular session nito.
Ang 19th Congress ay nakatakdang magbukas sa Hulyo 25, araw ng unang Ulat sa Bayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ibig sabihin, ang DBM ay mayroong hanggang Agosto 24 para isumite sa mga mambabatas ang panukalang budget para sa 2023.
Tiniyak naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ima-maximize ng DBM ang timeline na nakasaad sa Saligang Batas.
Nauna nang inihayag ng administrasyong Marcos na ia-adopt nito ang budget ceiling na itinakda ng nagdaang administrasyon dahil layon nito na isumite ang full-year budget sa Kongreso, dalawang araw bago ang constitutional deadline.