Nagtalaga na ng prosecutor ang National Prosecution Service na hahawak sa inihaing reklamo ni Atty. Rico Quicho laban kay Sen. Koko Pimentel na sinasabing lumabag sa kanyang self-quarantine.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, itinalaga nila sa kaso laban kay Sen. Koko pimentel si Assistant Prosecutor Wendel Bendoval.
Sinabi ni PG Malcontento na sa susunod na linggo o matapos ang Semana Santa, magpapadala na sila ng subpoena kay Sen. Koko at posibleng magtakda na ng hearing o preliminary investigation sa kaso sa kalagitnaan ng Mayo o matapos ang pinalawig na Enhanced Community Quarantine.
Una nang naghain ng reklamo sa DOJ si Atty. Quicho laban kay Sen. Koko sa pamamagitan ng electronic filing.
Ito ay matapos ang sinasabing paglabag ni Pimentel sa quarantine protocol nang magpositibo sa COVID-19.
Naniniwala si Atty. Rico Quicho na nilabag ng Senador ang Republic Act Number 11332 at Implementing Rules and Regulations ng Department of Health.
Kasama sa letter complaint ni Atty. Quicho ang nakalap online na 200,000 signatures ng grupong Change dot Org.
Ayon kay Atty. Quicho, kaisa sila ng ating mga kababayan sa pagkondena sa pagiging pabaya at iresponsable ni Koko nang magtungo ito sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo na sa COVID-19
Bunga nito, nalagay niya sa peligro ang publiko lalo na ang mga health workers sa MMC na nag-asikaso sa kanilang mag-asawa.
Paliwanag ni Atty. Quicho, bilang abogado, hindi niya mapapalagpas ang ginawa ni Pimentel na hayagang paglabag sa batas.
Sa ilalim ng R.A. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act., maaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indbidwal mula P20,000 hanggang P50,000.