Iminungkahi ni Vice President Leni Robredo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na baguhin ang proseso ng pagdedesisyon hinggil sa mga ipatutupad na quarantine restriction.
Ito ay sa gitna ng magkakaibang rekomendasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa kung anong quarantine level ang ipatutupad sa Metro Manila pagpasok ng Oktubre.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, iginiit ni Robredo na dapat magdesisyon ang IATF base pa rin sa numero.
Inihalimbawa niya rito ang ginagawa ng ibang mga bansang naging matagumpay ang paglaban sa pandemya kung saan hindi nakabatay sa desisyon ng kanilang leader kung anong quarantine level ang ipapatupad sa halip ay nakabase sa bilang ng kaso ng COVID-19.
“Sa’tin, parang isinasantabi yung numbers. Kahit alam natin yung numero hindi siya nagiging basehan kung ano yung magiging desisyon. Sa’kin, sana nakabase siya sa datos. Hindi siya nakabase sa mayor… ng kung anong ahensya. Kasi ‘pag nakabase siya sa desisyon ng isang tao, nagtatalo-talo. Gaya nito, DTI gusto nang bumukas, DOH ayaw pa. Yung IATF yung mag-decide, ano ba yung threshold level,” ani Robredo.
Aniya pa, bagama’t mas maganda ang sitwasyon ngayong Setyembre kumpara noong nakaraang buwan, nananatili pa ring mataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Gayunman, naniniwala si Robredo na kayang-kayanG mapababa ng bansa ang transmission ng COVID-19 basta’t organisado at hindi nagkakanya-kanya ang mga ahensya ng gobyerno.
“Kailangan yung national government, magbigay ng direksyon kasi kung walang direksyon, masasayang yung sipag. Ang daming agency sobrang sisipag pero parang nagkakanya-kanya kasi. Para sa’kin, mahalaga yung interplay ng lahat ng ahensya with the Local Government Unit kasi tingin ko, ito yung kulang natin e,” dagdag pa ng Bise Presidente.
Samantala, nakatakdang maglabas muli ng mga rekomendasyon ang Office of the Vice President (OVP) ngayong darating na linggo.