Proseso sa pagbibigay ng sahod ng mga OFW na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia, pinaplantsa na ng technical working group – DMW

Inaayos na ng pamahalaan ang proseso sa pagkuha ng hindi pa naibibigay na sahod ng 10,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtrabaho sa isang contruction company noong 2015 at 2016 sa Saudi Arabia.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na pinaplantsa pa ng technical working group (TWG) ang proseso sa pagkuha ng sahod.

Sa ngayon aniya ay wala pa silang timeline sa pagbabayad ng claims, pero minamadali na ito.


Dagdag pa ng kalihim, magkakaroon pa kasi ng pagpupulong ang mga opisyal ng Pilipinas at Saudi Arabia sa paglalatag ng mga polisiya.

Siniguro naman ni Ople na matatanggap ng pamilya ng OFW na nawalan ng trabaho sa nasabing bansa ang sahod.

Kasunod nito, nanawagan si Ople sa mga OFW na kukuha ng sahod na mag-antay sa ilalabas na anunsyo ng DMW upang hindi ma-biktima ng mga scammer.

Nilinaw rin ni Ople na wala pang requirements na nilalabas ang kanilang ahensya.

Matatandaang, sa nangyaring bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand ay sinabi ni Salman na naglaan na ang Saudi Arabia Government ng 2 billion riyals o katumbas ng P30 billion para sa hindi naibigay na sahod ng mga OFW.

Samantala, inanunsyo rin ni Ople na bubuksan na ang kauna-unahang tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Thailand.

Facebook Comments