Proteksiyon sa mga konsyumer laban sa cybercrime, isinulong sa Senado

Inihain ni Senator Grace Poe ang Senate Bill No. 2380 o Bank Account, E-wallet, and Other Financial Accounts Regulation Act na nagsusulong ng proteksiyon sa mga konsyumer laban sa mga cybercrime.

Layunin ng panukala na magpatupad ng matatag at epektibong financial system at bigyang proteksiyon ang publiko laban sa mga cybercriminal at sindikato na tuma-target sa bank accounts at e-wallets.

Tinukoy ni Poe na batay sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 98.4 percent ng krimen at pagkalugi na iniulat ng mga bangko mula Marso 15 hanggang Mayo 18, 2020 ay pawang naganap online at umaabot na sa P60.6 milyon.


Binanggit din ni Poe ang iniulat ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group na tumaas ng 37 porsiyento ang mga online scam mula Marso hanggang Setyembre 2020 kumpara sa kaparehong panahon noong 2019.

Ayon kay Senator Poe, inaatasan ng panukala ang BSP, Department of Justice (DOJ), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na bumalangkas ng “Anti-Scam/Financial Fraud” Roadmap.

Paliwanag ni Poe, ito ay upang palawakin ang kaalaman ng mga konsyumer sa mga financial scam at kung paano ito maiiwasan kasabay ng pagpapanagot sa mga nasa likod ng financial cybercrime cases.

Ayon kay Poe, alinsunod din sa panukala, mandato ng mga bangko, non-bank financial institutions, at iba pang kahalintulad na institusyon na agarang tumugon sa cybercrime reports at palakasin ang kanilang online platforms, payment systems at data security.

Facebook Comments