Pinatitiyak ni Nueva Ecija Representative Rosanna “Rita” Vergara sa Department of Health (DOH) na mabibigyang proteksyon ang local manufacturers ng bakuna, gamot at iba pang medical supplies sa bansa sa oras na maisabatas ang “Health Procurement and Stockpiling Act”.
Ang panawagan ng kongresita ay bunsod na rin ng pag-apruba sa “appropriation provision” ng panukala matapos na makapasa ito sa Committee on Health noong nakaraang taon.
Hiling ng kongresista na iprayoridad ang domestic market ng bansa at tiyaking mapoprotektahan laban sa mga imported na gamot at medical supplies ang local manufacturers.
Isa sa tinukoy ng kinatawan ay ang kumpitensya sa pagitan ng imported at locally made na Personal Protective Equipment (PPEs) kung saan mas pinipili ang imported PPEs dahil mura.
Nais ni Vergara na kapag naging batas ito ay dapat malinaw na uunahing ikunsidera ang Philippine-made medicines at medical supplies kahit pa mas may kamahalan ito kumpara sa imported na gawa.
Sa ilalim ng “Health Procurement and Stockpiling Act” ay tinitiyak nito ang sapat na suplay at access sa critical drugs, mga gamot, bakuna, aparato, at kagamitan sa oras ng public health emergencies.