Proteksyon para sa mga katulad ni Whang-Od at ating mga national cultural treasures, isinulong sa Senado

Inihain ni committee on cultural communities Chairperson Senador Imee Marcos ang Senate Resolution 517 sa gitna ng kontrobersya sa pagitan ng kilala sa buong mundo na Kalinga mambabatok o tattoo artist na si Whang-Od at ang popular na vlogger na si Nas Daily.

Hakbang ito ni Marcos makaraang tawagin ng apo ni Wang-Od na scam si Nas Daily na nagselyo ng kontrata kay Wang Od para magturo ng “tattoo masterclass” online.

Itinatakda sa resolusyon ni Marcos ang pagsasagawa ng imbestigahan sa kontrobersya at sa iba pang mga insidenteng maituturing na paglapastangan sa cultural heritage ng mga katutubo para makabuo ng batas na magpoprotekta sa kanila.


Binigyang diin ni Marcos, ang kahalagahan ng pagiging sensitibo sa kultura ng mga IPs lalo na kung sangkot dito ang pansariling promosyon at kung ito’y pang-komersyal na pagkakakitaan.

Ang problema, ayon kay Marcos, ay wala tayong legal na depinisyon kung ano ang bumubuo sa cultural misappropriation o paglapastangan sa minanang kultura ng IPs.

Diin ni Macos, kailangan natin ng bagong pagbalangkas sa IPO o Intellectual Property Office framework na magbibigay-pahintulot sa pang-komunidad na intellectual property, at hindi lamang sa indibidwal na IP ownership.

Facebook Comments