Isinusulong ni House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera ang isang panukala na magbibigay ng proteksyon sa mga rider ng mga independent couriers na nagde-deliver para sa mga e-commerce companies tulad ng Lazada at Shopee.
Sa House Bill 7559 o Magna Carta of E-Commerce Delivery Personnel na inihain ni Herrera, layunin nitong tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga e-commerce delivery contractors sa pamamagitan ng paggamit ng cashless payment para sa mga home deliveries gayundin ang pagpapataw ng parusa sa mga biglang magkakansela ng mga kumpirmadong ‘cash on delivery’ transactions.
Paliwanag ng kongresista, hindi lamang maiiwasan ang pagkalat ng virus sa ‘cashless transactions’ kundi mapoprotektahan din ang mga delivery riders.
Itinutulak din sa panukala na parusahan ang mga customer na magkakansela ng kumpirmadong order ng isa hanggang tatlong buwang pagkakabilanggo at multang P10,000 hanggang P50,000.
Samantala, isang taon hanggang tatlong taon na pagkakabilanggo at multang ₱100,000 hanggang ₱150,000 ang kahaharapin ng sinumang magpo-post ng kanilang order cancellations sa social media na layong i-prank o lokohin, at para maging popular lamang sa kanilang vlogging, bukod pa sa pagbabayarin ang mga ito ng damages sa seller at sa delivery service provider.
Tinukoy ni Herrera ang pagtaas ng mga kaso ng mga customer na bigla na lang nagkakansela ng orders kung kailan ide-deliver na at bayad na rin ng courier.