CAUAYAN CITY – Muling nag-uwi ng karangalan ang isang gurong Cauayeño matapos maparangalan bilang Most Outstanding Secondary Master Teacher ng Department of Education Region 2 sa Regional S.T.A.R.S. Awards 2024.
Si John Doble Gamueda, na mahigit dalawampu’t limang taon nang nagtuturo sa Cauayan City National High School, ang tumanggap ng prestihiyosong parangal.
Sa isang exclusive na panayam ng IFM News Team kay Gamueda, ibinahagi nito na siyam na division mula sa buong Lambak ng Cagayan ang sumali sa nasabing kategorya, at lahat ng mga kalahok ay nagsumite ng kanilang accomplishments, kaukulang dokumento, at sumailalim sa isang masusing interview.
Noong 2022, naging finalist si Gamueda sa parehong kategorya at nagdesisyon muling magtangkang sumali ngayong taon, na nagbunga ng kanyang tagumpay.
Ayon sa kanya, hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagbigay siya ng karangalan sa SDO Cauayan at sa buong Lungsod ng Cauayan dahil noong 2018, nakamit niya ang Most Outstanding School Paper Adviser of the Philippines sa NSPC Dumaguete.
Ipinagdiwang ni Gamueda ang kanyang tagumpay at iniaalay ito sa kanyang mga namayapang magulang, pati na rin sa kanyang asawa at anak na patuloy na nagbibigay ng suporta.
Sa kabila ng kanyang tagumpay, labis ang pasasalamat niya sa mga suportang ipinakita ng SDO Cauayan at LGU Cauayan na naging bahagi ng kanyang pag-abot sa parangal.