Cauayan City, Isabela- Muling nakapag-uwi ng parangal ang isang empleyado ng LGU Tabuk matapos magwagi at makuha ang Gold Medal sa katatapos na 13th World Taekwondo Culture Expo sa bansang South Korea.
Sa isang pahayag, sinabi ni Engr. Jeffrey Ysmael ng City Building and Architecture Office (CBAO) na isang karangalan ang mapabilang sa isa sa mga representante ng Pilipinas at maiuwi ang ‘poomsae’, isang kategorya ng laro para sa mga kalalakihan.
Dahil sa pandemya, hindi na nagawa pang maipakita ‘physically’ ng mga manlalaro kung kaya’t sa pamamagitan ng online participation ito ginawa.
Minabuti ni Ysmael na gumawa na lamang ng video presentation ng kanyang galing sa Taekwondo matapos ianunsyo ng Philippine Taekwondo Association (PSA) ang mga nais makilahok rito.
Matatandaan na noong Nobyembre ng nakaraang taon ginanap ang kompetisyon subalit ngayong taon lang dumating ang kanyang napanalunan gaya ng gold medal, certificate at gamit sa taekwondo dahil sa pandemya.
Pinaboran umano ng mga nakalaban na bansa ang pagkapanalo ni Ysmael gaya ng Spain, the United States of America (USA), Croatia, Finland, Kingdom of Saudi Arabia (KSA), Kyrgyztan, Greece, Iraq, Zambia, Ghana at marami pang iba.
Maliban dito, naiuwi rin nito ang silver medal para sa 2nd LENTS World Taekwondo Championship.