*Cauayan City, Isabela- *Sinibak na ni PNP Police Director General Oscar Albayalde ang Provincial Director ng PNP Nueva Vizcaya na si PSSupt. Jeremias Aglugub at hepe ng PNP Aritao na si Police Chief Inspector Giovanni Cejes.
Ito ay dahil sa umano’y Mishandling of evidence sa kaso ng pagpatay sa NDFP consultant na si Randy Malayao kung saan magagamit dapat sa imbestigasyon ang cellphone at laptop ni Malayao upang maresolba sa lalong madaling panahon ang kaniyang kaso.
Hindi umano nagustuhan ni Gen. Albayalde na pumayag agad sina Aglugub at Cejes na ibigay kay Congresswoman Luisa Cuaresma ang Cellphone at Laptop ni Malayao na hindi pa naisasalang sa pagproseso ng mga imbestigador ng PNP.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Superintendent Joseph Dela Cruz, ang tagapagsalita ng Special Investigation Task Group Malayao at PCR head ng PNP Nueva Vizcaya, mayroon ng Person’s of Interest ang PNP na pumatay kay Malayao na nakaupo rin mismo sa loob ng bus na sinakyan ni Malayao .
Patuloy pa rin ang masusing pagsisiyasat ng PNP para sa agarang paglutas sa kaso ng napatay na NDF peace consultant.
Magugunita na January 30 ng madaling araw ay pinagbabaril si Malayao sa loob ng sinasakyang Bus sa Bus Stop sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Samantala, nilinaw ni PSupt. Dela Cruz na walang katotohanan ang mga akusasyon ng Danggayan Cagayan Valley na pinilit umanong binuksan at pakialaman ng kapulisan ang mga gamit ni Malayao.