Cauayan City – Matagumpay na idinaos ng Provincial Government of Isabela (PGI) sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist ang Culminating Activity ng Provincial Rice Technology Forum para sa Wet Season 2024 at Fisherfolk Field School sa San Pedro, Tumauini, Isabela.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture-Regional Field Office 02, PhilRice, pribadong kumpanya ng binhi at bio-fertilizer, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Lokal na Pamahalaan ng Tumauini, natapos ang programa na naglalayong palakasin ang produkto ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan.
Napamahagian ang 42 magsasakang nagtapos mula sa programa sa pamamagitan ng pagpapakilala sa iba’t ibang hybrid rice varieties, bio-fertilizers, at makabagong teknolohiya sa pagsasaka upang mabawasan ang gastos sa produksyon at mapataas ang ani.
Sa kabuuang 33.2 ektaryang taniman ng 26 hybrid rice varieties, nanguna ang Pro Agri Seeds sa hybrid rice varietal showcase, habang pinangunahan ng RichPaul at Asia Gold ang bio-fertilizer mula sa 20 na kalahok.
Pinuri ni Engr. Rolando D. Pedro, DA-Cagayan Valley Research Center Manager, ang PGI sa matagumpay na implementasyon ng programa at binigyang-diin ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Samantala, ipinagdiwang din ng PGI ang pagtatapos ng 20 fisherfolk participants mula sa Pond-based Semi Intensive Polyculture Technology Demonstration Fisherfolk Field School (FFS) na ginanap mula Hunyo hanggang Nobyembre 2024.