Inalmahan ng Provincial Health Office ng Pangasinan ang napapabalitang magiging zombie ang isang indibidwal na naturukan ng COVID-19 Vaccine.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Provincial Health Officer Dra. Anna Maria Teresa De Guzman, magdadalawang taon na nang magsimula ang pagbabakuna kontra COVID-19 kung saan mas nauna pa ang ibang bansa at ang National Capital Region sa kanilang vaccination program bago pa man ito simulan sa lalawigan ng Pangasinan at makikitang wala pang nagiging zombie sa mga indibidwal na naturukan ng COVID-19 vaccine.
Paliwanag nito, may mga taong nakakaranas ng side effect ng bakuna gaya ng lagnat, panghihina ng katawan at iba ngunit ito lamang ay reaksyon ng katawan sa bakuna na bumubuo ng antibodies na siyang panlaban sa sakit.
Sa datos ng PHO, mayroon ng 1. 6 milyong Pangasinense ang fully vaccinated at hinihikayat ang natitira pang 500, 000 na kailangang bakunahan kontra COVID-19. Sa mga ayaw magpabakuna payo ng opisyal na manatili sa tahanan upang maiwasang mahawaan ng sakit.
Magpapatuloy naman ang mas pinaigting na pagbabakuna sa barangay at mall sa probinsiya sa pangunguna ng Provincial Government ng Pangasinan. | ifmnews