Labis ang pasasalamat ng Provincial Local Government Units (LGUs) sa ipagkakaloob ng national government na One-Time “Bayanihan” Financial Assistance ang Provincial LGUs.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, malaking tulong ang pondo sa kanilang paglaban sa COVID-19.
Aniya, partikular nilang ilalaan ang nasabing pondo sa mass testing sa kanyang mga kababayan dahil ito lamang, aniya, ang tanging paraan para mapababa ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Labis din ang pasasalamat ni Remulla kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher “Bong” Go kung saan ang senador mismo ang nagrekomenda na pagkalooban ng One-Time “Bayanihan” Financial Assistance ang PLGUs na katumbas ng kalahati ng kanilang one-month Internal Revenue Allotment.
Ayon sa Senador, bagama’t one-time grant lamang itong dagdag na pondo ay malaki ang maitutulong nito para epektibong marespondehan ng PLGUs ang dagdag na pangangailangan ng kanilang constituents at suporta sa national government sa implementasyon ng mga hakbang para labanan ang COVID-19 crisis.
Maliban sa pagpopondo ng provincial hospitals, pinunto ni Go, na katulad ng mga lokal na opisyal ay tungkulin din ng PLGUs na siguruhin ang matagumpay na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) measure, maglaan ng food assistance para sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa kanilang hurisdiksiyon at higit sa lahat ay magbigay ng financial support, shelter o quarantine quarters para sa mga stranded non-residents sa kanilang lugar.
Bilang miyembro ng Joint Congressional Oversight Committee na nakatutok sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act, pinaalalahanan ni Go ang PLGUs na panatilihin ang transparency and accountability sa lahat ng oras.
Ang naturang pondo ay eksklusibong magagamit para sa pakay nito sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at batay sa determinasyon ng national government.