Proyektong Pambata, Inilunsad sa Isabela


Ilagan, Isabela – Inilunsad ngayong linggo ang programang pambata ng Lalawigan ng Isabela.

Ito ay tinawag na “Project UBING” o pinaikling Ugnayan ng Batang Isabelino at Nagbabantay na Gobyerno.

Ang katagang “ubing” sa salitang Ilokano ay bata o paslit.


Sa pakikipag-ugnayan ng RMN Cauayan News at mga lokal na media kay Provincial Information Officer Jessie James Geronimo, ang ginawang soft opening ng programa ay panimula lamang sa gagawing 24-hour hotline para sa mga Isabelino na mangangailangan ng ayuda ng gobyernong panlalawigan tungkol sa mga batang naabuso ang kanilang karapatan.

Ayon kay Geronimo, ang proyektong ito ay iuugnay sa DSWD, kapulisan at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay proteksiyon sa karapatan ng mga bata.

Ang seremonya ng soft opening ay isinabay sa lingguhang flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan noong Enero 8, 2018.

Sinabi pa ni Geronimo na sa susunod na dalawang linggo ay magkakaroon ng malawakang pagpapalaganap sa programa kasama ang mga numerong tatawagan para sa anumang tulong o pag-rescue ng provincial government ukol pagpapatupad ng karapatan ng mga bata.

Ang magiging pangunahing abala sa proyektong ito ay ang Provincial Social Welfare Department ng Lalawigan ng Isabela.

Facebook Comments