Matapos na sabihin niyang dudurugin ang Communist Party of the Philippines (CPP), sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukas pa rin siya sa peace negotiations.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi nila pwedeng isara ng tuluyan ang pakikipag-usap sa komunistang grupo kahit nagpapalitan sila ng mga maanghang na salita ni CPP founding Chairman Jose Maria Sison.
Noong nakaraang Pasko ay hindi tinapatan ng pamahalaan ang unilateral ceasefire ng komunistang grupo.
Noong panahon ring iyon ay sinabi ng Pangulo na kayang durugin ng pamahalaan sa loob lamang ng ilang araw ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Sa kanyang pahayag ay sinabi naman ni Sison na gagawing prayoridad ng kanilang grupo ngayong 2019 ang pagpapabagsak sa administrasyong Duterte.