Manila, Philippines – Kinalampag ng mga oposisyon sa Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte na manghimasok na sa usapin ng deadlock sa 2019 budget.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin, ito na lamang ang tanging nakikitang solusyon para matapos ang isyu at maging ganap na batas na ang General Appropriations Act.
Pinatitigil din ng mambabatas ang tila pagkuha ng mga senador sa veto power na tanging ang Pangulo lamang ang dapat na gumawa dahilan kaya naiipit ng mga ito ang pagpasa sa budget.
Sa ganitong sitwasyon aniya ay kinakailangan na ang matapang na pronouncement ng presidente bagaman at iginagalang naman nila ang naunang pahayag ng ehekutibo na hahayaan ang dalawang kapulungan na solusyunan muna ang usapin sa pambansang pondo.
Para naman kay Buhay Partylist Representative Lito Atienza, umiiral ang “personal politics” ng ilang mga senador dahil pilit na idinidikit sa pork barrel noong panahon ni Janet Lim-Napoles ang budget requirements ng congressional districts.