Hindi pa rin masabi ng Palasyo ng Malacañang kung tatanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ni US President Donald Trump na bumisita ito sa Estados Unidos ng Amerika.
Matatandaan kasi na noong 2017 pa inimbitahan ni President Trump si Pangulong Duterte at noong nakaraang taon naman ay sinabi ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim na patuloy nilang inaasyon ang posibilidad na pagpunta ni Pangulong Duterte sa Washington.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hanggang sa ngayon ay walang katiyakan kung pauunlakan ni Pangulong Duterte ang imbitasyon ni President Trump.
Paliwanag ni Panelo, hindi kasi kaya ni Pangulong Duterte ang lamig sa Amerika kaya hindi pa ito makapagdesisyon.
Pero matatandaan na noon ay sinabi ni Pangulong Duterte na hinding hindi sya pupunta sa Estados Unidos pero ito ay noong si President Barack Obama pa ng namumuno ng Amerika.