PRRD, hindi panghihimasukan ang magiging desisyon ng NTC hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN

Hands-off si Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang magiging desisyon na National Telecommunications Commission (NTC) hinggil sa pasong prangkisa ng ABS-CBN.

Ngayong araw kasi, May 4, ang huling araw ng ABS-CBN Corp.’s franchise habang ang ABS-CBN Convergence’s franchise ay nakatakdang mapaso sa March 17.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sumulat na ang Office of the Solicitor General na alter ego ni Pangulong Duterte sa NTC at kanila na lamang hinihintay ang magiging tugon nito.


Sinabi pa ni Roque na hindi maaaring impluwensyahan ng Pangulo ang NTC at hindi rin nito maaaring pangunahan kung anuman ang magiging desisyon nito dahil ibabase lamang sa batas ng NTC ang ilalabas nilang hatol.

Matatandaan nitong Pebrero sinabi ni Pangulong Duterte na pinatatawad na niya ang ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere ng kanyang political advertisements noong 2016 Elections pero nanindigan ito na ang Kongreso pa rin ang bahala sa franchise renewal application ng TV giant network.

Nauna nang nagbabala si OSG Jose Calida sa mga commissioner ng NTC na posible silang maharap sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kapag nagbigay ng provisional authority sa ABS-CBN dahil sang-ayon sa batas tanging ang Kongreso lamang ang mayroong ekslusibong kapangyarihan na magbigay ng prangkisa sa public utilities tulad ng broadcasting companies.

Facebook Comments