Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na alalahanin ang 1986 EDSA People Power sa pagpili ng mga ibobotong kandidato sa 2019 midterm elections.
Sa kaniyang mensahe para sa ika-33 anibersaryo ng EDSA Revolution, pinuri nito kung paano ipinakita ng mga Pilipino sa buong mundo na maaaring mabago ang kasaysayan sa mapayapang paraan.
Ang maayos na EDSA Revolution aniya ang nagbuklod sa mga Pilipino para muling ibangon ang Pilipinas noong February 1986.
Ayon pa kay Pangulong Duterte na dapat alalahanin ang makasaysayang rebolusyon para sa kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng tamang pagboto sa eleksyon.
Umaasa naman ang Pangulo na ang nasabing kasaysayan ay magsisilbing inspirasyon lalo na sa mga kabataan para pahalagahan ang naipanalong kalayaan sa EDSA Revolution.
Huwag din sana aniyang kalimutan ang mga nagsakripisyo upang protektahan at panatilihin ang demokrasya sa bansa.