PRRD, ipinagtanggol si Sec. Andanar hinggil sa European caravan

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papakialaman ang desisyon ng mga pinuno ng iba’t-ibang tanggapan sa ilalim ng kanyang sangay basta nagagamit ng wasto ang pondo ng gobyerno.

Ito ang pahayag ng Pangulo matapos punahin ng mga mambabatas ang European Caravan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ayon kay Duterte – na kay PCOO Secretary Martin Andanar ang pagdedesisyon kung ano ang gagawin siya sa kanyang opisina basta walang korapsyong magaganap.


Mahalaga aniya ang tanggapan ni Andanar dahil sila ang tagapaghatid ng mensahe ng gobyerno sa publiko.

Una nang idinepensa ni Andanar ang pagpunta ng PCOO officials sa Europa at ipinaliwanag doon ang mga isyu na kinakaharap ng gobyerno kabilang ang involuntary disappearances at anti-communist terrorist group.

Binigyang linaw din doon ang pagkaka-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa at iginiit na hindi ito pag-atake sa press freedom.

Facebook Comments