Hindi muna uuwi ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng isang buwan para pangasiwaan ang ginagawang hakbang ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Kagabi, inanunsyo ng Pangulo na sasailalim sa “community quarantine,” ang Metro Manila kung saan mahigpit na ipagbabawal pansamantala ang pag-bi-biyahe patungo at palabas ng Metro Manila mula March 15 hanggang April 14 para maiwasang kumalat ang COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, magdaraos ng meeting araw-araw ang Task Force upang i-assess ang virus outbreak at ito ay kailangang daluhan ni Pangulong Duterte.
Pinauuwi, aniya, si Pangulong Duterte ng kanyang asawa sa Davao city pero tumanggi ito sa kadahilanang nais niyang pangasiwaan ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para ma-contain at hindi na kumalat pa ang virus.
Kahapon, sumalang sa COVID-19 test ang Pangulo matapos sumailalim sa self-quarantine ang ilang cabinet members na nagkaroon ng exposure sa kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan nakasalamuha naman nila ang Pangulo sa nakalipas nilang aktibidad.
Ilalabas ang resulta nito makalipas ang 48 hours o bukas, alas-singko ng hapon.
Una nang sinabi ng Palasyo na isasapubliko nila ang magiging resulta ng pagsusuri kay Pangulong Duterte.