Tinitimbang pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon bago maglabas ng desisyon kung palalawigin nito ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon.
Nabatid na nasa ikatlong linggo na tayo ngayon ng ECQ sa Luzon at nakatakdang magtapos sa hatinggabi ng April 12.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, all eyes and ears ang pangulo ngayon at masusing pinag aaralan ang lahat ng rekumendasyon, suhestyon at mga datos mula sa mga health officials.
Sinabi ni Panelo na maglalabas ng desisyon ang Pangulo sa takdang panahon.
Matatandaang ilang medical experts, businessmen, government officials at iba pang indibidwal ang nanawagan na palawigin pa ng dalawang linggo ang ECQ para tuluyang masugpo ang paglaganap ng Coronavirus disease (COVID-19).
Pakiusap ng Palasyo sa publiko, manatiling matatag habang hinaharap ang krisis.
Naniniwala din si Panelo na sa awa ng Diyos at diwa ng bayanihan, mapagtatagumpayan ng mga Filipino ang krisis sa COVID-19.