Inamin ngayon ng Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong siyang masamang plano laban sa mga kaaway ng estado.
Sa talumpati sa birthday ng dating political adviser ni Duterte na si Francis Tolentino, sinabi ng Pangulo na kung ang akala ng masasamang tao ay kaya nilang magpalaganap ng kasamaan sa bansa, ay mayroon din siyang plano para sa mga ito.
Gayunman, aminado si Duterte na ang kanyang relihiyon at values ang pumipigil para hindi niya maisakatuparan ang kanyang ‘evil plan’ laban sa mga kaaway ng estado.
Binanggit naman ng Pangulo ang pagpapadala ng isang dibisyon ng militar sa Sulu para pumulbos sa Abu Sayyaf Group kung saan umaasa siya na mawawakasan ang kasamaan ng teroristang grupo dahil ang alam lamang ng mga ito ay pumatay at dapat itong tapatan ng gobyerno.
Bukod dito, sinabi rin ni Duterte na ang Islamic state ang mga bagong kaaway ng sangkatauhan at wala daw alam ang mga ito kundi pumugot ng ulo ng mga sundalo at ng mga bata.