Hindi magandang ideya para kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang pagkuha pa ng permit o exemption ng mga pulis at sundalo kapag may eleksyon lalo pa kung maitatalaga sila sa ibang lugar na labas ng kanilang tirahan.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na dapat hindi na ito maging requirement pa ng Commission on Elections (COMELEC).
Binigyang diin ng Punong Ehekutibo na may eleksyon man o wala tungkulin naman talaga ng mga sundalo at pulis ang law and order.
Giit nito, wala nang oras pang magproseso ng permit o exemption ang pulis at sundalo dahil sa demand ng kanilang trabaho kaya hindi na dapat silang hinihingan ng maraming requirements para lamang magampanan ang kanilang trabaho.
Naniniwala si PRRD na dapat ay automatic nang exempted ang pulis at sundalo sa pagdadala ng kanilang baril basta mayroon silang mission order.