PRRD, naniniwalang magiging positibo ang resulta ng gaganaping plebesito para sa Bangsamoro region

Manila, Philippines – Tiwala si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging maganda ang resulta ng nakatakdang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL ngayong buwan.

Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte sa harap na rin ng hindi pagpabor ng ilang lungsod sa Mindanao tulad ng Cotabato City na mapabilang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan lumutang din naman ang issue na mayroon itong posibleng kinalaman sa nangyaring pagsabog sa lungsod noong nakaraang linggo.

Ayon kay Pangulong Duterte, umaasa siya at nananalangin na mananaig ang kagustuhan ng mas nakararami lalo pa at ang layunin ng BOL ay makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.


Sinabi ni Pangulong Duterte na kung hindi makalulusot ang BOL sa plebesito ay siguradong magiging mahirap na maabot ang minimithing kapayapaan sa lugar.
Sa darating na January 21 gaganapin ang plebesito kung saan malalaman ang magiging komposisyon ng BARMM.

Gagawin ang plebesito sa Cotabato City, Isabela City, 6 na bayan sa Lanao del Norte at 39 na barangay sa North Cotabato.

Facebook Comments