Personal na nakiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa nasawing si Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.
Alas-8:53 ng gabi nang dumating sa lamay ni Batocabe sa Daraga, Albay at isinara sa mga kawani ng media ang naturang pagbisita.
Pero makalipas ang isang oras ay pinahintulutan ng Pangulo ang mga media sa isang ambush interview.
Ayon kay Duterte, irerekomenda niya na isailalim na ang buong lalawigan ng Albay sa control ng Commission on Election (Comelec) dahil sa naganap na karahasan na ikinasawi ni Batocabe at kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz.
Naniniwala aniya siya na politically motivated ang krimen at isa umanong pulitiko ang nasa likod nito.
Positibo naman ang Pangulo na malulutas kaagad ang naturang kaso lalo na at itinaas na niya sa P50 milyon ang patong sa ulo ng salarin at utak sa pagpatay kay Batocabe.
Bandang alas-11:45 na ng gabi nang lumipad pabalik ng Maynila ang Pangulo.