Manila, Philippines – Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na amiyendahan na ang konstitusyon upang mapabuti ang sitwasyon ng bansa.
Naniniwala kasi ang Pangulo na malabo nang makalusot sa ilalim ng kanyang administrasyon ang kanyang isinusulong na Federal System of Government.
Sa kanyang talumpati sa oath-taking ng mga bagong halal na opisyal ng pamahalaan sa Malacañan, sinabi ng Pangulo – na kung ayaw ng mga mambabatas ang federalism, mas makabubuti pa rin sa bansa na baguhin ang saligang batas.
Tanggap na rin ng Pangulo na hindi papasa sa Kongreso ang federalism bill.
Layunin ng federalism na palawakin ang development sa mga rehiyon.
Ang Kamara ay bumuo ng draft federal constitution kung saan mananatili ang Presidential Form of Government pero pinahihintulutan ang Kongreso na bumuo ng federal states at tatanggalin ang term limits sa mga mambabatas.
Sa panig naman ng Senado, hindi pa sang-ayon na ipursige ang charter change sa ngayon.