Nakatakdang isoli ng Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM ang ₱3-billion na halaga ng high yield investment sa mga bangko ng gobyerno na sinita ng Commission on Audit (COA) at sinabing labas na ito sa mandato ng kagawaran.
Ayon kay PS-DBM Executive Director Dennis Santiago, intact o wala namang bawas ang ₱3-billion at wala silang pag-aalinlangan na isoli ito sa Bureau of Treasury kapag natapos ang paglilinaw nila sa COA hinggil sa nature ng mga pondong ito.
Dagdag pa ni Santiago, sa ngayon niri-rebyu ang audit observation ng COA kaugnay sa sinasabing high yield savings account.
Batay sa liham na ipinadala ng COA sa PS-DBM, inutusan nito ang kagawaran na agad i-remit o ibalik ang balanse ng savings sa Bureau of Treasury.
Ayon sa COA, ang kabiguan ng PS-DBM na ibalik ang investment sa general fund o sa Bureau of Treasury ay paglabag sa Executive Order No. 431 na inilabas noong May 30, 2004 at taliwas sa patakaran ng Department of Finance (DOF) na may petsang September 11, 2012 na nagsasabing lahat ng dormant account o mga hindi ginagamit na pondong nasa bangko lamang sa matagal na panahon ay dapat isoli sa Bureau of Treasury.
Sa panig naman ng palasyo, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na ngayong nasa observation report pa lamang ng COA, ibig sabihin binibigyan pa ng pagkakataon ang PS-DBM na magpaliwanag.
Kaya dapat aniyang hintayin na muna ang magiging tugon ng PS-DBM kaugnay dito.