Naglatag ng mga reporma o pamamaraan ang Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM para mapahusay ang pagtupad nito sa trabaho sa harap ng pagsusulong ng mga mambabatas na buwagin na ang ahensya.
Ayon kay PS-DBM Executive Director Atty. Dennis Santiago, Ilan sa mga hakbang na ito ang pagsuspinde na sa pagbili ng mga hindi common use supplies and equipment.
Sabi ni Santiago, pinag-aaralan, rerebisahin at lilimitahan naman ang mga bibilhin nilang common use supplies and equipment at magtatakda na ng specifications at presyo para sa makatwiran at patas na aprubadong budget na ipapaloob sa kontrata.
Halimbawa ng common use supplies na karaniwang ginagamit sa mga opisina tulad ng clip, folder, coupon bond, alcohol, battery, cartolina, correction tape, envelope, fastener at iba pa.
Binanggit ni Santiago na Itataas din ang antas ng logistics and supply chain management para gawing bukas at may pananagutan ang pag deliver ng mga biniling items.
Dagdag ni Santiago, sasabayan nila ito ng napapanahong pag-order, pagbili at pagdeliver para maiwasan ang mga delay o pagkaantala ng dating ng supplies at papabilisin din ang pagbabayad sa mga supplier.