Cauayan City, Isabela- Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela sa mga residente ng Cauayan City na nakatanggap ng ‘text message’ hinggil sa proseso ng National ID system.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Julius Emperador, Chief Statistical Specialist ng ahensya, hindi pa klaro kung saan na lugar idadaos ang Step 2 process matapos makatanggap ng mensahe ang mga residente mula sa PSA central office na nagsasabing sa isang kilalang mall sa lungsod gagawin ang proseso.
Aniya, LGU Cauayan City ang mayroong koordinasyon sa pamunuan ng mall kung papayagan na gawing registration center para sa ID system.
Sa pagkakataong ito sana, sasailalim na sa biometrics process ang mga nakatanggap ng mensahe kung sakali man na natuloy ang nasabing hakbang ng ahensya.
Una nang iminungkahi ng LGU na gagawin ang registration process sa terminal hanggang sa sinabing pumayag na umano ang pamunuan ng mall para gawing registration center ito.
Giit ni Emperador, huwag munang subukan na magtungo sa registration center na nakasaad sa natanggap na text message ng ilang mga registrant ng Cauayan City dahil hindi pa umano malinaw kung saan talaga gagawin ang Step 2 process.
Mangyaring maghintay ng abiso mula sa LGU o mga opisyal ng barangay para hindi na maulit ang nangyaring pagtungo ng mga residente sa mall.
Samantala, pinagbabawalan pa rin na magdaos ng ilang profiling ang mga kasapi ng PSA Isabela sa mga bayan ng lalawigan dahil pa rin sa banta ng COVID-19.