Umabot na sa 75.1 milyong Pilipino o 81.6 percent ang narehistro na ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula sa target na 92 milyong Pilipino.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Engr. Fred Sollesta, officer-in-charge ng PhilSys Registry Office ng PSA na sa ngayon ay nasa 11.15 milyon na ang kanilang pre-generation ng e-Phil ID.
Sa bilang na ito ay nakapag-isyu na sila ng 3.6 milyon hanggang kamakalawa mula sa kabuuang target na makapag-generate ng kahit 20 milyong e-Phil ID ngayong Disyembre.
Ang e-Phil ID ay version 2 ng digital ID na printed form.
Pagtitiyak ni Sollesta, walang dapat ipag-alala ang publiko sa kalidad ng e-Phil ID dahil tulad ng physical ID card ay mayroon din itong safety features tulad ng photo o larawan sa loob ng QR code.