Nilinaw ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang expiry date ang validity ng birth certificate.
Ito ay kasunod ng mga ulat na may ilang government agencies at maging ang pribadong sektor ay nais humingi ng bagong birth certificates mula sa mga aplikante.
Kabilang na rito ang Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd) na nire-require ang mga applicants na magpasa ng PSA-issued birth certificates.
Sa pagdinig ng Senate Civil Service Committee, sinabi ni PSA Deputy National Statistician Leo Malagar, hindi totoo ang mga ulat mayroong limited validity period ang mga birth certificates.
Lumutang ang mga ulat dahil sa paglalabas ng PSA ng mga certificates gamit ang security paper at pagbago ng kulay nito.
Tinanong ni Senator Joel Villanueva ang PSA kung maaari nilang pagsabihan ang mga government agencies na tumanggap ng mga lumang certificates, kabilang ang mga inisyu ng civil registrars – sinabi ni Malagar na wala silang kapangyarihan para utusan ang ibang government agencies na gawin ito.
Hindi rin nila maaari ring pagsabihan ang mga pribadong sektor dahil may mga sarili silang procedures.
Iginiit ni Villanueva na ang demand sa bagong birth certificates ay nakakaapekto sa mga naghahanap ng trabaho lalo na at gagastos sila sa napakaraming dokumento.
Nilinaw ng PSA na hindi maapektuhan ang validity ng mga birth certificates kahit nagpalit sila ng kulay at papel na ginamit.