Kung noong mga nakalipas na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tiniyak ng Presidential Security Group ang 360-degree shield protection sa Pangulo, maging sa venue ng SONA sa Kongreso ngayong taon ay hindi lamang seguridad kung hindi health security measures ang pangunahing isasaalang-alang dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay PSG Commander Col. Jesus Durante III, malaking hamon sa kanila ngayon ang ikalimang SONA ng Pangulo kung kaya’t hindi lamang kaligtasan kung hindi ang kalusugan ni Pangulong Duterte ang kanilang top priority.
Si Pangulong Duterte ay itinuturing na nasa vulnerable sector dahil siya ay isang senior citizen.
Kung kaya’t ilang araw bago ang SONA ng Pangulo ay patuloy ang isinasagawang inter-agency meetings kasamang ang security agencies upang matiyak ang kaligtasan ng Pangulo.
Tiniyak din ni Durante na mahigpit nilang ipatutupad ang health safety protocols sa labas at loob ng Batasang Pambansa.
At dahil sa pambihirang sitwasyon, magiging limitado lamang ang bilang ng mga papasuking bisita sa Kongreso at isasalang ang mga ito sa PCR test.