Kinumpirma ng Presidential Security Group (PSG) na Setyembre pa nang mabakunahan ng hindi pa rehistradong COVID-19 vaccine ang ilan sa mga miyembro nito.
Ayon kay PSG Commander Brigadier General Jesus Durante III, kabilang sa mga naturukan ay ang mga tauhan ng PSG na laging kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi naman niya inamin o itinanggi kung nakatanggap din siya ng bakuna.
Oktubre nang isagawa ang huling batch ng pagbabakuna sa loob mismo ng PSG compound.
Inamin din ni Durante na sila mismo ang nag-request ng donasyon para sa hindi rehistradong bakuna.
Giit niya, bilang mga sundalo, nakahanda silang malagay sa peligro para magawa ang kanilang misyon.
Kasabay nito, nilinaw ni Durante na hindi sila humingi ng permiso sa Pangulo at ipinaalam na lamang nila ang tungkol dito matapos na mabakunahan ang lahat ng close-in personnel.