Manila, Philippines – Nakatutok na ngayon ang Simbahang katoliko sa pagkakaloob ng Pyscho social intervention sa mga batang apektado ng giyera sa Marawi City.
Importante para sa National Secretariat for Social Action (NASSA)/Caritas Philippines na maibalik ang sigla at ngiti sa labi ng bawat bata na dumanas ng trauma sa nangyayaring bakbakan doon.
Sa ilalim ng kampanyang “Share the joy, give a toy” , hinimok ni NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Edwin Gariguez ang mga pamilya na mag donate ng mga laruan at mga educational materials para sa may 3,000 na mga bata na nasa evacuation centers sa Iligan City at iba pang disaster-affected areas.
Hinimok din ni Fr. Gariguez ang mga nais mag donate na maglakip ng mga simpleng cards o mensahe ng pampalakas loob sa mga batang makatatanggap ng kanilang mga donasyong laruan.
Tatanggap ng donasyon ang opisina ng NASSA/Caritas Philippines sa CBCP building sa Intramuros, Manila hanggang August 11, 2017.