Sang-ayon pa rin ang National Parent-Teacher Association (PTA) na ituloy ang pagbabalik ng face-to-face classes sa kabila ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay PTA president Willy Rodriguez, lumabas sa kanilang online survey na 100% ng mga respondents ang nais nang ibalik ang in-person classes mapa-public man o private school.
Katwiran ng grupo, bukod sa walang natututunan ang mga bata kapag online, apektado rin maging ang kanilang social life.
Sa kasalukuyan, hindi nire-require ang COVID-19 vaccination sa mga mag-aaral na lalahok sa face-to-face classes, pero hinihikayat pa rin silang magpabakuna.
Iminungkahi naman ni Rodriguez na ihiwalay ang mga mag-aaral na hindi pa bakunado sa mga bakunado na.
Ang mga guro naman na hindi pa rin bakunado ay maaaring magturo sa hybrid setup.
Ayon sa Department of Education, nasa 38,000 eskwelahan na ang handa sa face-to-face classes sa darating na pasukan sa Agosto.
Kamakailan din nang kumpirmahin ni Pangulong Bongbong Marcos ang plano ng pamahalaan na dahan-dahang ibalik ang in-person classes sa Setyembre hanggang sa 100% itong maipatupad pagsapit ng Nobyembre.