Nakahanda ang Presidential Task Force on Media Security o PTFOMS na hilingin sa Department of Justice (DOJ) na ikonsidera ang pagsasailalim sa Witness Protection Program o WPP ng pamilya ng suspek sa pamamaril sa radio blocktimer na si Cresenciano “Cris” Bundoquin.
Ito’y ayon kay PTFOMS Executive Director Usec. Paul Gutierez kung mahihikayat ang natukoy na suspek na si Isabelo Bautista para sumuko at ilahad nito ang lahat ng nalalaman sa krimen para matukoy na kung sino ang mastermind sa krimen.
Si Bautista ay positibong kinilala ng Special Investigation Task Group (SITG) Bundoquin na siyang gunman batay sa sinumpaang pahayag ng dalawang testigo.
May alok namang ₱50,000 ang PTFOMS mula sa ayaw magpatukoy na indibidwal, sa sinumang makapagbibigay impormasyon para sa ikaaaresto ni Bautista.
Ayon kay Gutierrez, kapag boluntaryong sumuko si Bautista, otomatikong mapupunta ang reward sa kaniyang pamilya.
Handa rin umanong dagdagan ni Secretary Jesus Crispin Remulla ang reward kapag sumuko si Bautista.
Matatandaang natukoy ng mga awtoridad ang isa pang suspek sa krimen na si Narciso Guntan mula sa bayan ng Roxas pero nasawi matapos bumangga ang sinasakyan nitong motorsiklo sa isang road barrier sa kanilang pagtakas.
Nakabinbin naman ngayon sa Calapan Prosecutors Office ang mga kasong murder at attempted murder laban kay Bautista para sa evaluation bago ito iakyat sa korte.