Nagbabala ang Department of Health (DOH) na hindi dapat maging kampante ang publiko dahil bukod sa Omicron variant ay nananatiling banta ang Delta variant.
Ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, hindi lang dapat maalarma ang taong bayan sa surge ng Omicron variant kundi dahil din sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Delta variant sa bansa.
Pinayuhan din ni Dr. Ong-Lim ang publiko na kapag may nararamdaman nang sintomas ay huwag nang magdalawang isip at sa halip ay agad na mag-isolate.
Aniya, wala nang panahon para pag-isipan pa kung COVID-19 o hindi ang nararamdaman dahil mabilis itong kumakalat ngayon sa workplace at sa mga tahanan.
Pinayuhan din ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang publiko na kapag na-expose sa COVID positive, ay agad na mag-quarantine para maputol ang hawaan sa komunidad.
Iginiit naman ni Vergeire na Kahit gaano kataas ang kaso ngayon ng infection sa bansa, hindi magsasagawa ng mass testing ang DOH dahil hindi naman ito inirerekomenda ng mga eksperto at maging sa ibang bansa ay hindi aniya ito ginagawa.