PUBLIC CONSULTATION PARA SA PANUKALANG DAGDAG-SAHOD, IKINASA NG DOLE RO2

Cauayan City, Isabela- Sinimulan na ngayong araw, Abril 7, 2022 ng Department of Labor on Employment (DOLE) Region 2 ang public consultations sa Lambak ng Cagayan kaugnay sa panukalang pagtataas ng minimum wage ng mga manggagawa.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay DOLE Regional Director Joel Gonzalez, bagamat wala pa silang natatanggap na petisyon ay nagkusa na ang kanilang tanggapan na magsagawa ng public consultations na susundan ng public hearing sa limang probinsya sa Lambak ng Cagayan.

Inuna ngayong Huwebes ang pagkonsulta sa probinsya ng Batanes sa pamamagitan ng virtual consultation at isusunod naman bukas ang Cagayan at pagkatapos ng Holy Week ay isasagawa rin ang consultation sa Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino ganun din sa Santiago City.

Ayon kay RD Gonzalez, tinitingnan at ikinokonsidera naman aniya nila ngayon ang naturang panukala bunsod na rin ng lalong pagtaas ng presyo ng mga bilihin at presyo ng langis.

Pagkatapos naman ng gagawing public consultation ay isasagawa na ang public hearing sa May 5 sa bawat probinsya sa rehiyon.

Dito ay inaanyayahan ang sinumang interesadong sektor ng manggagawa o kumpanya maging ang mga malalaking mall o kahit na sinuman na dumalo sa hearing upang sa ganon ay mas marami pang makuhang impormasyon, reaksyon at suhestiyon ang DOLE kaugnay sa isyu ng dagdag-sahod.

Kaugnay nito ay mayroon na aniya silang mga naimbitahang organisasyon o grupo na inaasahang dadalo sa hearing para mapag-usapan ang naturang panukala.

Sa gagawing hearing ay aalamin ng DOLE kung magkano ang halaga na gustong idagdag sa minimum wage sa probinsya na 370 pesos kada araw at kung ano yung mga subsidiya o allowance na gustong makuha bukod pa sa sahod.

Umaasa naman si Gonzalez na magkakaroon talaga ng pagtaas sa sahod ng mga minimum wage earners sa rehiyon.

Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon ang DOLE kaugnay sa halaga ng idadagdag sa minimum wage rate ng mga manggagawa subalit pinag-aaralan na ani ito ni Gonzalez sakaling maaprubahan ang nasabing panukala.

Samantala, nilinaw ni RD Gonzalez na magkaiba ang basic salary at COLA o Cost of of living allowance kung saan ang basic wage ay maaaring madagdagan kung may overtime habang ang allowance naman ay hindi maapektuhan kahit na nag-overtime sa trabaho.

Facebook Comments