Public Health Emergency, pwede lang ideklara ng Pangulo kung maging banta na sa national security ang COVID-19

Maaari lang magdeklara ng Public Health Emergency si Pangulong Rodrigo Duterte kung maging banta na sa seguridad ng bansa ang COVID-19.

Ito ang pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon matapos na aprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na magdeklara ng Public Health Emergency.

Ayon kay Drilon, sa ilalim ng Republic Act 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”, ang Kalihim ng DOH ay awtorisadong magdeklara ng epidemic of national concern gaya ng sa kaso ng COVID-19.


At kung maging banta na ito sa national security, doon pa lang pwedeng magdeklara ng Public Health Emergency ang Pangulo.

Dagdag pa ni Drilon, hindi dapat mabalewala ang procurement laws sa kabila ng deklarasyon ng Public Health Emergency.

Matatandaang sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na malaking tulong ang deklarasyon ng Public Health Emergency para magamit agad ang pondo at mapadali ang proseso ng procurement.

Samantala, hinimok ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na maglabas ng opisyal na dokumento ukol sa deklarasyon ng Public Health Emergency.

Ito’y para malaman ang saklaw nito at magabayan nang maayos ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad nito.

Facebook Comments