“Hindi ko inambisyon na maging kalihim ng Department of Health”.
Ito ang buwelta ni Public health expert Dr. Tony Leachon sa kanyang mga kritiko matapos niyang banatan ang DOH dahil sa umano’y kawalan ng focus sa pagbibigay ng prayoridad na ma-contain ang COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Leachon na ang ginagawa niya ay purong serbisyo sa publiko na walang hinihintay na kapalit.
Ayon kay Leachon, bagamat kwalipikado siya sa posisyon, hindi niya pinangarap na maging kalihin ng DOH.
Kasabay nito, binanatan ni Leachon sina DOH Secretary Francisco Duque III at Presidential Spokesperson Harry Roque na siyang nag-utos para ipatanggal siya bilang special consultant ng National Task Force on COVID-19.
Giit nito, wala siyang nakikitang mali sa kanyang ginawa na pagpuna sa mabagal at late na pagre-report ng DOH ng COVID-19 data na maaaring naging sanhi ng pagkamatay ng maraming tao sa bansa.
Mababatid na tinanggal si Leachon ng National Task Force on COVID-19 dahil pinapangunahan umano nito ang mga impormasyong ilalabas ng pamahalaan tungkol sa pandemic na mariing itinanggi naman ng doktor.
Maging si DOH Undersecretary at Food and Drugs Administration Chief Eric Domingo ay nauunawaan si Leachon.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Domingo na may mga dapat at patuloy pang i-improve sa DOH.
Bukas din si Domingo sakaling ipatawag siya ng Office of the Ombudsman sa imbestigasyon sa Health department.