Public hearing hinggil sa paniningil ng pribadong subdivision sa mga estudyante sa Muntinlupa, isinagawa ng lokal na pamahalaan

Nagsagawa ng public hearing ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa hinggil sa umano’y paniningil sa mga estudyanteng dumadaan sa Sitio San Antonio at South Greenheights Village.

Bukod sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan at mga namumuno sa departamento, kasama sa public hearing ang mga kinatawan ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, Muntinlupa National Highschool, mga opisyal ng homeowners’ association ng South Greenheights Village at Sitio San Antonio gayundin ang mga tauhan ng Barangay Poblacion.

Dito ay kanilang pinag-usapan ang maaaring solusyon sa problema kung saan napagkasunduan ng mga magkabilang panig na papayagan makadaan ang mga estudyante ng libre hanggang Disyembre 2022 kung saan naghahanap pa ng alternatibong paraan para hindi naman maabala ang mga pribadong indibidwal.


Kaugnay nito, magdadagdag ng seguridad ang Brgy. Poblacion para maging ligtas ang mga residente, mga estudyante at mga magulang o guardian na dadaan sa nasabing pribadong village.

Unang inireklamo ng mga estudyante ng nabanggit na mga paaralan gayundin ng kanilang mga magulang ang paninigil ng ₱20.00 sa tuwing dadaan sa South Greenheights Village at Sitio San Antonio.

Nabatid na nagsimula ang kalbaryo ng ilang mga mag-aaral sa tuwing papasok matapos na isara ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang kalsada na sakop ng Brgy. Poblacion na patungo naman ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa at Muntinlupa National Highschool.

Iginiit ng mga magulang na malayo ang iikutan at dodoble ang gastos sa pamasahe kaya’t ang pagdaan sa mga pirbadong subdivision at village ang nakikita nilang paraan.

Facebook Comments