Public hearings sa 2 Senate bills vs online piracy, ikinasa

Dalawang panukalang batas na naglalayong palakasin ang kapangyarihan ng Intellectual Property Office sa pagsawata sa online content piracy ang nakatakdang dinggin sa recess ng sesyon sa Senado.

Naglabas kamakailan ang trade and industry committee na pinamumunuan ni Sen. Mark Villar ng electronic message sa media hinggil sa Senate public hearing schedule para sa SBN 2150 at SBN 2385 na inakda nina Senador. Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr., ayon sa pagkakasunod.

Aamyendahan ng dalawang bills ang Republic Act No. 8293, o mas kilala bilang  “Intellectual Property Code of the Philippines” na ipinasa noong 1997.


Sa kanyang explanatory note,  sinabi ni Sen. Estrada na layon ng SBN 2150

na i-disable ang access sa online sites na nagpapadali sa copyright infringement at magpasok ng pamamaraan para sa  preventive action at site blocking.

“Considering the pervasiveness of these illegal activities which severely hamper the growth of the creative economy and lead to loss of jobs or displacement of workers, there is a need to establish regulations and effective mechanisms to protect intellectual property rights,” nakasaad sa explanatory note.

Samantala, binibigyang-diin ng SBN 2385 ang renewed authority at responsibilities ng Intellectual Property Office of the Philippines.

Layon nito na bigyang kapangyarihan ang IPOPHL na i-disable ang access sa mga site na lumalabag sa copyright at magsagawa ng aksiyon para maharang ang mga site.

Sa kanyang explanatory note ay binigyang-diin ni Revilla ang kahalagahan ng pagkakaroon ng measures na “titiyak na hindi magtatagumpay ang piracy, at hindi papatayin ng piracy ang industriya.”

Inirerekomenda ng parehong bills ang pagpapataw ng mas mataas na multa na P100,000 hanggang P1,000,000, at karagdagang  P10,000 para sa bawat araw ng patuloy na paglabag.

Nauna nang nanawagan ang entertainment personalities para sa mabilis na pagpasa sa dalawang naturang  bills na magbibigay-daan sa online site blocking bilang hakbang para labanan ang content piracy at mapangalagaan ang intellectual property rights.

Kapag naipasa sa Kongreso, babaguhin at palalakasin ng Senate Bills 2150 at  2385 ang dating  IPC at paiigtingin ang enforcement capabilities ng  IPO laban sa online piracy.

Aalisin din ng inamyendahang Code ang mga probisyon na naglimita sa kontrol nito sa electronic at online contents “within the definition of pirated goods.”

Facebook Comments