Cauayan City, Isabela- Ipinasara muna ng limang (5) araw ang public market ng bayan ng San Mateo dahil sa isinagawang massive cleaning at disinfection.
Batay sa inilabas at nilagdaang Executive Order no. 23 Series of 2020 ni Mayor Greg Pua, nag-umpisa ang pagsailalim sa lockdown sa pampublikong pamilihan noong September 19 at magtatapos hanggang sa September 23.
Ito ay para bigyan ng daan ang ginagawang contact tracing, paglilinis at disinfection sa pamilihan upang mapigilan ang pagkalat ng virus matapos makapagtala ng isang positibo sa COVID-19.
Malaki naman ang pasasalamat ng alkalde sa inisyatibo at pagboluntaryo ng mga kawani ng BFP San Mateo upang maisagawa ang disinfection sa pamilihan.
Gayunman, hinimok ng alkalde ang mga kababayan na kung kaya naman aniyang gawin mismo ang pag- disinfect sa mga stalls ay magkusa na lamang upang hindi na iasa sa mga bumbero.
Kinakailangan lamang aniya na mag suot ng Facemask, face shield o Personal Protective Equipment (PPE) kung magsasagawa ng disinfection.
Ayon pa kay Mayor Pua, tiniyak nito na mayroong matatanggap na tulong mula sa lokal na pamahalaan ang mga residente na apektado ng lockdown.