Isinusulong ni Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran na lagyan ng Closed Circuit Television Cameras (CCTVs) ang lahat ng mga pampublikong lansangan kasunod na rin ng nangyaring “misencounter” sa pagitan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Taduran, makakatulong ang pagkakabit ng CCTVs sa mga daan para sa ikareresolba ng imbestigasyon sa anumang klase ng krimen.
Inirekomenda ng lady solon na ipwesto ang CCTVs sa mga poste ng kuryente partikular sa mga national roads.
Naniniwala si Taduran na kung may CCTVs sa mga lansangan ay madali sana ang pagbabantay at pagsisiyasat sa mga krimen lalo na sa kontrobersyal na misencounter ng mga operatiba.
Imumungkahi rin ng kongresista na alisin na ang requirement na paghingi ng court order sa pagkuha ng mga CCTV recordings kahit sa mga pribadong establisyimento lalo na kung ito ay may kinalaman sa imbestigasyon ng krimen.
Giit ni Taduran, lalo lamang itong nakapagpapabagal sa imbestigasyon ng kaso at hindi na kakailanganin pa ang manawagan sa publiko tulad ng ginawa ni PDEA Director Wilkins Villanueva na humihingi pa ng cellphone videos kaugnay sa insidente para sa isinasagawang pagsisiyasat.