Pinag-iingat ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang taongbayan laban sa recruitment na ginagawa ng ilang illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ilang Chinese ang nagpapatakbo ng mga hindi lisensiyadong POGO sa bansa.
Ito ay matapos ang pagkakaligtas ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa isang Taiwanese na pumasok sa bansa noong Pebrero para magtrabaho sa POGO kapalit ng pangakong suweldo na katumbas ng P97,000.
Gayunman, pagdating nito sa bansa ay ginawa siyang alila at ibinenta ng dalawang grupo ng Chinese na Yinghuang Yule at 3+7 na kapwa hindi otorisadong mag-operate bilang POGO.
Pinaalalahanan ni Labor Secretary Silvestre Bello ang mga manggagawa na alamin muna kung rehistrado ang mga POGO na nag-aalok ng trabaho gamit ang social media bago direktang makipag-ugnayan sa mga ito.